July 18, 2003

Pagwawaksi

*Sa lahat ng simulang may wakas at wakas na may simula.

Naaalala pa rin kita. Kapag tumitila ang ulan, kapag tumatahimik ang bubong, kapag wala nang kulog at kidlat, naaalala kita.

Naaalala pa rin kita. Paminsan-minsan. Kapag naghihintay ng jeep papuntang SM Southmall, habang naglalakad sa palengke at pilit na di pinapansin ang matandang humihingi ng limos sa akin, kung ayan na’t aakyat na, habang hinahabol ang jeep kasi hindi tumitigil sa kanto, ganun eh, para malimutan na mukhaakong tanga, sa iyo ko binabaling ang aking isip.

Parang may pinagkaiba, wala naman. Katangahan pa rin.

Naaalala pa rin kita. Kapag ubos na ang yosi ko, matapos ang sandosenang upos, pagtapak ko sa kahuli-hulihang Winston Lights, sa pagkiskis ng sapatos sa semento, naaalala kita.

Naaalala ko pa rin lahat ng pagkakataong hiniling mong tumigil ako sa paninigarilyo. Hindi ko maibigay, sabi mo simple lang naman yung hinihingi mo. Sabi mo. Tapos, sinumbat mo.

Naririnig ko nang sasabihin mong hindi, hindi mo sinumbat, hindi, pero hindi ko na kasalanan kung mali ang pagkakaintindi ko, di ba? Ikaw kasi.

Siguro nga, hindi mo na naaalala. Madali ka kasing makalimot.

Sanay na ako sa yo.

Kaya ito, sa lahat ng natutunan ko sa yo, salamat. Sa pagtuturo na ang mundo minsan puro simula lang, pero may mga pagkakataong puro wakas lang din.

Siguro kung laging kumpleto ang mga bagay, kung ang bawat simula ay may katapusan, kung ang bawat alaala kong ikaw ay matutumbasan ng mga alaala mong ako, siguro nga, mas maraming tao ang masaya.

Di ba?

Minsan naisip kong baka isinumpa mo akong alalahanin ka hangga’t sa ito’y aking ikamatay.

Mas madaling sabihing oo na lang, ganun na lang, kasi dati mahal kita, pero ngayon may iba na, alam mo ba? Siguro hindi. May nalaman ka ba? Wala.

May pakialam ka ba? Nakialam ka ba? Bakit parang ayaw ko na lang marinig yung sagot?

Kaya ito, sa lahat ng natutunan ko sa yo, salamat. Na hindi lahat ng tao sa mundo magugustuhan ako, at hindi lahat ng bagay na ibibigay ko ay masusuklian. Salamat.

Panahon na para lumimot. Panahon na para sumaya, para ibaling ang tingin sa iba, para magkapuwang sa ibang bagay, ibang tao, ibang perspektibo, iba, iba, basta iba.

Basta hindi ikaw.

Pero minsan, naaalala pa rin kita. Gaya kanina, umuulan, pero ngayon, tumila na.