July 26, 2004

SONA mode

salamat at walang water cannon

Dilaw na retasong may nakasulat na "marshall" ang souvenir sa akin ng SONA ngayong taon. Nagkataon kasing nasa dulo ako ng linya, ibinilin lang sa akin ng LFS. Sabagay, kahit di naman nila ako binigyan nung label eh trabaho ko pa ring bantayan ang mga kasama ko – shempre, UJP eh.

Mabigat ang langit kaninang hapon. Sa tatlong taon kong pagsali sa martsa papuntang Batasan (sana) taun-taon, ngayon lang ata kami naulanan ng ganito kalala. Di ko lang maalala kung naulanan kami nung unang taon ko – naaalala ko lang kasi, nabasa kami nun di dahil sa ulan kundi dahil sa mga bumbero.

(sidenote: binasa ko yung SONA 2002 article ko na sinubmit kay ma'am encanto – maulap lang, pero hindi malakas ang ulan. Binasa ko yung journal entry ko about last year's SONA – ni di nga umulan, kasi panay ang sabi ko ng "Ang init," habang naglalakad pauwi mula Ever hanggang Central.)

Teka. Tatlong taon na rin pala akong bumabalik-balik sa SONA. At magmula pa noong second year, iisang tao lang ang binalik-balikan ko dito – si Gloria.

Sa loob ng tatlong taon, iisang tao lang ang nagsasalita sa Sandigan, pare-parehong pangako lang. Pero taon-taon din, sa pagbalik-balik ko sa Commonwealth, pare-pareho lang rin naman ang mga hinaing na nakasulat sa mga karatula – trabaho, edukasyon, karapatan ng mga manggagawa. Pare-pareho lang ang mga chant. Edukasyon, karapatan ng mamamayan. Budget ng UP, dagdagan, wag bawasan. Gloria, pasista, pahirap sa masa.

Ang nag-iiba lang eh kung hanggang saan lang pwede ang mga rallyista. Nung 2002, hanggang Sandigan. Nung nakaraang taon, hanggang Ever lang. Kanina, hanggang St. Peter's Church.

Yun siguro, at yung panahon. Yun lang ang nagbabago. Pero pare-pareho pa rin ang mga reklamo. Kung di man, nadaragdagan pa.

Ala-una na nang lumabas via Ylanan ang UP Diliman delegation papuntang Batasan. Sabi ng kaibigan kong si Pat, na maagang pumunta sa may St. Peter's, kanina pa raw nandun ang mga militanteng grupo. Akala ko nga naiwan na kami. Yun pala, nahirapan sina Atom na ilabas sa AS yung bultong malaki.

Inabutan sila ng ulan sa Mass Comm – di ata inaasahan, karamihan sa kanila'y basa at walang payong. Tumungtong si Atom sa isa sa mga bench sa ilalim ng skywalk at nagsalita sa megaphone: Sino ang takot sa ulan?

Sino raw. Wala raw. Nag-roll call si Atom ng mga kolehiyong andun, simula sa Mass Comm hanggang sa CAL (na muntik pa niyang makalimutan). Marami nga sila – mga taga CSWCD, mga taga-CSSP, CS, NCPAG. Nagulat nga ako at may kasama kaming taga-BA at STAT, though konti lang sila, at least andun pa rin sila. Ang gaganda ng pins na gawa ng FA, salamat nga pala. Karamihan sa kanila, naka-pula.

Wala akong nakitang naka-asul. Or, meron, pero nung tanungin, di naman raw sila taga-Alyansa. In short, wala akong nakitang Alyansa dun. Asan kaya sila? In fairness, yung CMC SC eh andun – sina Jacq at Jobert (kagulat) at Pima na may documentation mode ata.

Again, wala po akong nakitang taga-Alyansa. Wala nga si Kris Ablan. Sino ang andun? Si Atom. Asan kaya si Kris Ablan kanina? Nag-aaral? Nagtatrabaho sa Kongreso? Or nanonood ng SONA ni GMA sa Kalay, ika nga ni Frank – free food. Hello. Hello? Hello?! Okay, so hindi required mag-attend ng mga ganitong mob technically ang mga chair ng student council, but still. Visibility plus points naman jan. parang walang effort eh.

Anyway, so much for my I'm-disappointed-with-Alyansa rantage.

Ang UJP, nakaputi. Nagpula ako dahil pasaway ako (at dahil na rin sa wala na pala akong puti na shirt). Kasama ko yung mga bago naming aplikante para ngayong sem, karamihan babae. Nung nagsasalita si Atom kanina through the megaphone, panay ang tilian.

Anyway.

Sabi nga ni Aling Rose Bigkas ng Anak Pawis (na dating taga-KM), isa na raw sila sa mga unang tinirgas nung First Quarter Storm, pero bumabalik pa rin sila sa kalsada dahil nakikita nilang wala namang nagbabago.

Tagal na nun, 1970s pa. Nakaka-apat na tayong presidente, wala pa rin nga atang nagbabago – marginalized pa rin ang mga marginalized, kulang pa rin ang sweldo, mataas pa rin ang bilihin, at habang yumayaman nang yumayaman ang mayayaman na, pahirap naman nang pahirap ang mga lugmok na. Nakakalungkot.

Alas dos pasado, sinilaban ang isang effigy ng mukha ni Gloriang nakakabit sa unahan ng isang US missile. Kahit umuulan, nagliyab pa rin. Sabi nga nung mga lalaki sa likod ko, isang buwan daw na ginagawa yung effigy na yun. Ilang minuto lang ng apoy, wala na. Para sa bayan nga naman.

Bumalik ako sa tumpok ng UP delegation. Naabutan ko ang LFS na nag-e-educational discussion. 77% na debt servicing – walangjo yan, hanep naman sa stats. Baka naman gustong magtira ng rehimeng Arroyo ng kahit *konti* lang para sa ibang bagay dito sa loob ng bansa, di ba?

Panay na ang chant, "Pagkain, hindi bala! Edukasyon, hindi giyera!"

Tama nga naman.

Nagperform ang CONTEND-UP – akala ko talaga eh kakanta or sasayaw si Sir Arao (pero hindi eh - sayang). Panay na ang cheer namin ni Cleng dahil yung teacher niya sa socio, andun, sumasayaw at kumakanta: "Sumusunod…" kaloka. Kasama pa si Ma'am Joi Barrios at Michael Andrada. Tigas.

Mga alas-tres yun. Andun pa rin yung effigy na sinunog earlier. Abo-abo na lang, kita mo na yung kahoy na frame, nangingitim. May batang humahawak sa tabi – ano kaya ang iniisip niya? Naiintindihan kaya niya kung para saan ang lahat nang ito?

Andun si Atom sa stage. Naalala ko, na-feature yung mommy niya sa news, namaltrato ng pulis, aktibista rin. Grabe ang pamilya nila, hardcore.

Inisip ko na naman si Kris Ablan. Naalala ko, hindi pala si Atom yung nanalo nung election. May blue shirt day pa silang nalalaman, yung Alyansa. Hanggang saan lang kaya yung blue shirt day nila? I wonder.

Hinanap namin yung Migrante kanina, pero hindi namin sila natanto. Nakasalubong naman namin yung mga taga-Kamay, yung grupo ng mga metro aide. Nakausap namin yung presidente nila, nakakalungkot makwentuhan ng tungkol sa sitwasyon nila. 5,820 na nga lang ang sweldo, sila pa yung bumibili nung mga gamit nila sa trabaho – mga walis, dustpan, plastic, tubig, sabon – masuwerte na nga raw ang makapag-uwi sila ng 2,200. Bihira na raw ang walang utang – karamihan sa kanila, nakasanla na yung ATM at 13th month pay para sa susunod na taon. 3,000 across-the-board ang hinihingi nila. Ewan ko na lang kung kailan matutugunan yan.

Mabigat man ang mga isyu kaliwa't kanan, hindi naman malungkot ang SONA, per se. Hindi lang naman sigawan ang SONA, kantahan rin. Kantahan mo ba si Gloria ng "Itatakwil kita…" imbis na "Sasakyan kita…" – riot talaga.

At masayang kasama ang mga aktibista, sa totoo lang. Kasi mga tunay silang tao. Hindi maaalis yung picture-picture at chikahang wala lang. Kaya kahit mabigat, kahit malayo, kahit nakakapagod, nakakagutom, at kahit abot tuhod na ang tubig na naaabsorb ng pantalon ko, okay lang, smile ka lang, kasi lahat naman ng tao, nakangiti rin.

(Sidenote: kasalukuyan kong pinatutuyo sa harap ng bentilador ang aking pantalon. Abot tuhod nga ang tubig na na-absorb niya. heggard.)

Natutuwa ako sa sarili ko kanina kasi mas marami na akong kilala dun ngayon. Aba, tatlong taon rin yun. Marami na akong mga kakilalang dun ko lang nakakasama. Pare-parehong mga mukha, pare-parehong mga chant, pare-parehong mga hinaing. Hay. Siguro talaga, sa mga rally na tulad nito lang kami magkikita.

Dumaan ang helicopters ni Gloria, mga alas-tres pasado. Nag-stay pa kami ng konti na lang – narinig ko pa nga si Ate Ava, na dating memcom head ng UJP, kumanta siya for Karatula. Astig talaga yun. Sabi nila, may editorial job offering raw siya dapat sa Japan, pero tingnan niyo naman, hindi ata matatawaran ang prinsipyo.

Mga alas-kuwatro kami umuwi ng mga kasama ko sa UJP. Pagod na kami, at marami nang nakita. Sabi nung isa naming aplikante, bakit raw ganun, sama-sama nga, pero iba-iba naman ang pinag-uusapan. Hay. Ang hirap talaga ng malalaking grupo no. sabi naman nung isa, natuwa raw siya at marami siyang natutunan. Nakakataba naman ng puso.

Dalawang batch na ng mga aplikante ang nadala ko sa SONA – yung last year, at yung ngayon. Siguro, gusto ko lang talaga I-share sa kanila yung experience ko nung 2002. Marami talaga akong natututunan kapag nakakahalubilo ko ang mga taong sa mga SONA at rally ko lang nakakasama.

Next year, wala na ako para magSONA sa UJP. Hindi ko alam kung dapat akong ma-senti dahil huling SONA ko na pala to namamartsahan bilang isang estudyante. Ni hindi ko nga alam kung nasaan na ako by then.

Sabi ko nga, ito na ang huling martsa ko sa SONA. The next time na pupunta ko sa isang SONA, ako na ang magsasalita.

Nahulog yung yosi ng katabi kong taga-LFS dahil sa sinabi ko. haha.