Jan. 9, 2006

pagpapalit ng planner

Enero 8, 2006, 9:31 n.g.

Bumili ako kanina ng planner; hindi talaga ito ang gusto ko. Sinasabi ko na nga ba’t dapat binili ko na yung planner na nakita ko sa Alabang Town Center nung Pasko. Pero dahil umasa akong bababa pa kasi ang presyo, heto, napabili tuloy ako ng planner na hindi ko naman talaga plinanong bilhin. Hay, talk about settling for second best.

Itim ang planner na ito, at iba ang disenyo sa mga nakaraan kong planner. Tatlong taon na rin sigurong pare-pareho ang mga hitsura ng planner na binibili ko. Ngayong taon, iba naman. Walang malalim na dahilan; wala na rin kasing kapareho e.

Nakamarka sa gilid ang mga buwan. Sa dulo, may mga pahina ng address book. Tapos nun, mga pahinang blangko, para sa wala lang. Kahit ano siguro.

Pwede na to, isip ko, sabay tuloy sa counter.

i. Ang lumang planner

Gaya sa ibang bagay, nahirapan din akong mamaalam sa luma kong planner: sa kanyang kupas na "2005" label sa harap, na sa aking pagkakaalala dati’y matingkad pa na kulay ginto; sa mga deadline, highlight, overtime hours, birthday, dinners, dates, at gastos sa pang-araw-araw na nakasulat sa bawat araw sa loob; sa mga proyekto, meeting, gimik, planong nahighlight at naekisan; sa mga resibong nakaipit, mga lumang kaha ng yosi at label ng san mig lite na naitago ko sa mga dahilang hindi ko na natatandaan ngayon; sa mga larawan ng mga taong dati kong nakasama, sa mga lumang library card at sobrang request slips nung gumagawa pa ako ng paper para sa comparative literature elective ko nung huli kong sem sa kolehiyo; sa luma kong namestrip nung high school na nahanap ko ulit; sa lumang matingkad na balot ng regalo niya nung december 2004; sa mga lumang smart buddy prepaid cards na ginamit ko nung mga unang buwan ko sa trabaho.

Hindi na talaga ako nagtataka kung bakit nahihirapan akong mamaalam kahit sa mga pinakasimpleng bagay; napakarami kasi ng alaalang walang ibang napaglagyan.

ii. Ang lumang planner, sa huling pagbubuklat

Thursday, January 20, 2005: j200 prelim findings pm; cw140 second essay, before lunch, 14 copies; cw110 setting workshop (make copies of exercise); AM – lib (j192); (sa dulong linya, naka-highlight din) CL 151 overnight. Sa susunod na araw: Friday, January 21: j192 report; j200 first draft due; cw140 nick joaquin/workshop 1-3; no j192-lib; (sa dulong linya ulit, nakahighlight) CL 151 overnight – uy, 21...

Ibang klase talaga ang pag-alala nang ganito – sa mga paunti-unting salitang para bang pinagkabit-kabit lang; nakakamangha ang bilis ng pagbalik ng mga eksena: sa ganitong oras ng araw na ito, narito ako sa lugar na ito; siya ang kasama ko, at ito ang aming mga ginawa...

Nakakamangha, kung ano lang talaga ang natatandaan ng tao – kung bakit, at para saan pa...

iii. Alaalang nakaipit, isa-isang nilalatag sa kama

Library card
Kulay orange ang huli kong library card. Ito na rin ata ang pinakagamit sa lahat, salamat sa CL 151, ang aking una’t huling elective na kinarir at ipinunta sa library. Sayang naman kung gagraduate akong hindi gaanong nakakahiram ng libro. Bahagyang pinagsisisihan ko nga na hinintay ko ang huling sem para talagang seryosohin ang pagpunta ng lib at pagbabasa ng mga libro.

Hawak ang orange library card sa isang kamay, parang nakikita ko pa rin siyang nagbabasa sa harap ko, at ang kanyang paminsang pag-aayos sa kanyang salamin.

Tapa King, resibo
Sa likod, may resibo ng Tapa King nung Disyembre. Kumain kami ng mga kaopisina ko at ako ang nagbayad.

Lumang kaha ng Marlboro Lights, punit-punit na San Mig Lite labels
Meron ding mga lumang kaha ng yosi, Marlboro Lights, at mga tinuklap na label ng San Mig Lite na talagang hindi ko na matandaan kung bakit ko itinago. Baka sa mga minsang pag-inom namin ng barkada? Hindi kasi sing-tarantado ng 2004 ang 2005, dahil na rin sa nagtrabaho na ako at kadalasa’y pagod at wala nang panahong makipag-inuman at gaguhan, di gaya ng dati na alas-tres ng umaga ang uwi. Kung tutuusin, yun talaga pinakahinanap ko nung 2005 na nawala sa akin – barkada.

Totoo atang nagtitino ang tao sa kanyang pagtanda? Siguro nga.

Parihabang clear plastic
Aha. Lalagyan nung temporary card kong nagbubukas ng mga pinto sa opisina. Nakakatawa naman, natago ko pa.

Metallic gift wrapper, blue, red, green and gold
Sabihin mang hindi siya ang pinaka-thoughtful na tao sa balat ng lupa, may regalo pa rin siya sa akin nung nakaraang pasko, 2004. At dahil minsan lang mangyari, andito, nakatago, nakaipit, para naman maalala kong minsan naalala niya ring magbigay.

Isang grad pic na black and white, Walang dedication sa likod, para safe.
Ito ang dating larawan sa wallet ko. Naghiwalay kami matapos ang graduation (pagkatapos ng... lahat), at inilipat ko siya para hindi ko naman siya laging makita pag bumubunot ako ng pera tuwing bumibili ako ng lunch (dahil gutom ako at ang mga alaala namin e not safe for an empty stomach, ika nga) at para hindi na siya madalas pang itinatanong sa akin ng madla. It’s for the better, sabi ko sa larawan niya.

Huli kong nailabas nung may nagtanong kung ano ang hitsura nung huli kong nakarelasyon. Hanggang ngayon, napapangiti pa rin ako sa tuwing naaalala ko ang hitsura niya nung makita niya yung picture. Haha, priceless.

Smart buddy 300 prepaid cards
300 kada dalawang linggo ng pakikipagtext sa mga reporters at kaopisina. Nakarami rin ako; yung iba subsidy, yung iba sariling bili.

Payslip, nov.11-nov.25, 2005
Aba, kaya pala me nawawala sa file ko, nandito lang pala. (for filing) sabi kasi ni auntie, i-file ko raw, titingnan niya kapag nagkaoras. Haha sisilipin ng mga magulang ko kung magkano ang kinikita ng kanilang minimum-wage-earner panganay! How exciting.

Sa akin lang naman, mahalaga na ang may ginagawa sa araw-araw. Anong kahibangan kaya ang inabot ko kung nagkataong matagal akong nawalan ng gawain? Katakot isipin.

iv. Paglilipat sa bago

Binuklat sa huling pahina, kinopya ang mga number ng mga taxi – MGE, Reno, Teresita, Dollar; minsan na ring natawagan nang madaling araw para lang maihatid siya sa trabahong kay aga ng time-in. Kahit na pa tapos na, hindi mo rin alam kung kailan mo magagamit muli. (Sana para sa ibang tao naman.)

Matipuno at handa ang bago kong planner.

Paalam? Naisip ko, hawak sa isang kamay ang luma. Pero para saan pa ang pagpapaalam sa isang napakasimpleng bagay?

Kinuha ko muna ang grad pic niyang black and white bago ang tuluyang pagsasara.